Full text of acceptance speech of Speaker Faustino Dy III
To the Honorable Members of this august chamber, the 20th Congress, mga kababayan, magandang hapon sa inyong lahat.
Ako po’y lubos na nagpapasalamat sa mga kasama kong mambabatas sa House of Representatives sa paghalal ninyo sa akin bilang Speaker. Hindi ko po ito inasahan. Matapos ang ilang dekadang paninilbihan bilang lingkod-bayan mula Kabataang Barangay hanggang gobernador ng Isabela, inakala ko na ang susunod na yugto ng aking buhay ay para sa aking pamilya. Ngunit ibang daan ang inilatag ng ating Panginoon. Dinala Niya akong muli dito—sa Kongreso—upang mas higit pang palawakin ang paglilingkod.
Aminado po ako, meron po akong pangamba sa ang aking dibdib habang iniisip ko ang mga hamon ng katungkulang iniaatang ninyo sa aking balikat. Batid ko na marami sa ating mga kababayan ang nasasaktan at nagagalit dahil sa mga kasalukuyang kaganapan. Naiintindihan ko po kayo. Bilang anak ng lalawigan ng Isabela, alam na alam ko po ang mga pagsubok na dala ng matinding bagyo, ang pagkasira ng mga bahay at buhay tuwing tumataas ang tubig-baha. Sa ngalan nila, tinatanggap ko ng buong kababaang-loob ang hamon ng pagiging Speaker of the House.
Ako na ho ang unang magsasabi sa ating mga kababayan: meron kaming pagkukulang. Kami po ay nagpapakumbaba. Nakikiusap po kami na sana bigyan ninyo kami ng pagkakataong ituwid ang mga maling kalakaran at linisin ang aming hanay. Nakikiusap po kami na bigyan ninyo kami ng tsansang makuha muli ang inyong tiwala.
Ako po ay kaisa ng ating mahal na Pangulo sa kanyang layunin na linisin ang pamahalaan upang tayo ay bumangon muli. Under my leadership, this House will change. I will not defend the guilty. I will not shield the corrupt.
Gaya ng paninindigan ng ating Pangulo—No rank, no ally, no office will be spared from accountability. We must strengthen the Oversight Committee and fully cooperate with the Independent Commission of Infrastructure. Our duty is not to protect each other – our duty is to protect the Filipino people. Alam kong maaring maging puno ito ng panganib. Dahil sa mga maaaring matapakan, sinusugal ko ang pangalang matagal kong pinagpaguran. Yayakapin ko ang sakripisyong ito: ang maibsan ang mas mabigat na sakripisyong kinahaharap ng ating mga kababayan.
Malinaw sa akin na higit na matimbang ang aking pananagutang itaguyod ang ating Saligang Batas at unahin ang kapakanan ng nakararami. Hindi ko hahayaan ang sinuman sa miyembro ng 20th Congress na gamitin ang Kongreso para sa personal na interes. Panahon nang ituon natin ang ating paningin sa pangangailangan ng ating mga kababayan. Sila ang rason kung bakit tayo naririto. Wag sana tayong makalimot. Sila ang unahin natin bago ang pansariling kapakanan.
Kung meron man pong dapat managot sa mga umuugong na paratang na ito, titiyakin natin na magiging patas ang mga pagdinig na ito. Kung meron mang mga pangalang nabanggit sa mga pagdinig, may mga tamang forum para sila ay makapagpaliwanag. Tayo ay magiging transparent at accountable sa ating mga gawain. Kung kinakailangang makipag-ugnayan sa mga naglalabas ng saloobin, ako po mismo ang haharap para makipag-usap. Makikinig po kami sa daing ng mga mamamayan. Makikinig po kami sa boses ninyo. Ito lang ang paraan para lumabas ang pawang katotohanan at dito lang masisimulang matanggal ang agam-agam ng ating mga kababayan.
Sa mga kasamahan ko sa Kongreso: magtatagumpay lamang tayo kung tayo’y magkakaisa upang makamit ang hangaring ito. Buo ang paniniwala ko na mas nakakarami sa ating mga kasamahan ang nangangarap at handang magtrabaho nang tapat para mapabuti ang ating bansa. Hindi ko po magagawa ito nang mag-isa. Kailangan ko po kayo. Kailangan po natin ang bawat isa. Kaya taos-puso ko ring ipinapaabot ang aking pasasalamat sa ating dating Speaker sa kanyang bukas-palad na pakikipagtulungan para maisakatuparan ang isang maayos na transisyon at mga natatanging hangaring ito.
Sa tulong ninyo, sisiguraduhin din natin na ang bawat sentimo na paglalaanan ng budget sa bawat departamento ay tutugma sa mga pangangailangan ng mamamayang Pilipino. Pagtulungan nating makapagpasa ng isang maayos at malinis na budget na mailalaan sa tamang mga programa para sa taumbayan.
May mga hakbang nang ginawa upang gawing mas bukas ang proseso ng pagpasa ng budget at mas paiigtingin pa natin ito. Ako po ay handang makinig sa iba’t ibang tinig upang higit na maka-unawa. Nakahanda po ang aking bisig na makipagtulungan kanino man alang-alang sa ating bansa. Mula noon, hanggang ngayon, ako po ay walang pinipiling kulay. Lahat ay mahalaga. Lahat ay may maaaring maiambag upang magampanan ang ating mandato bilang kinatawan ng ating mamamayan.
Mga kababayan, hinihiling ko po na magpatuloy tayong magmatyag at magbantay. Tanging kayo lamang po ang makakapagsabi at makakapagpasya kung dapat bang ibigay ninyong muli ang inyong tiwala sa amin. Kayo ay magiging bahagi ng reporma para masigurado natin na sa darating na mga araw, kapakanan ng taumbayan ang mauuna.
Ngayon na ang oras. Hindi bukas. Hindi sa susunod na araw. Sama-sama tayong bumangon. Sama-sama tayong kumilos. Sama-sama tayong maglingkod.
Hindi magiging madali ang ating tatahakin. Alam kong magiging mahirap para sa ating lahat, pero gaano man kahirap, kung ito naman ang nararapat, kung ito naman ang tama, ito ang kailangan nating gawin at pagtulungan.
Sa bagong Kongreso, ipaparamdam natin ang tunay na malasakit. Ipapamalas natin ang tunay na paglilingkod na nakatutok nang buo sa pag-angat ng buhay ng sambayanang Pilipino. Walang ibang agenda. Walang ibang interes. Kapakanan ng Pilipino ang simula, gitna at dulo – wala nang iba.
Sa lahat ng ito, hindi tayo hahatulan sa ating mga salita, kundi sa ating gawa. Hindi tayo huhusgahan sa ating mga pangako, kundi sa ating pagtupad. Sama-sama nating isulong ang isang bagong Pilipinas na matatag, marangal, at nagkakaisa!