Bata pa rin kung ituring hanggang ngayon,
Di naipanganak noong panahon yaong;
May paghihirap at paggunita,
May pagkamatay at pagkawagi.
Bata man para sa panahon ngayong;
Umuusbong ang kahapon,
Ginugunita ang mga patay,
Lumalaban para sa kinabukasan.
Bata kung ituring walang muwang;
Tumatawa, iba’y humihikbi,
Naglalaro, habang sa Edsa’y may nag-aalsa.
Natutulog, iba’y nakikidigma.
Bata na ninais ang karapatan;
Lumaban katulad ni kuya,
Humikbi katulad ni ate,
Mag-alsa katulad ng bayan.
Bata, habang iba’y tumatanda;
Sila’y henerasyon para sa laban,
Sila’y maging bayani para sa bayan,
Sila’y kinabukasan ng sambayanan.
Kung bata man ituring hanggang ngayon;
Parte kami ng kasaysayan ng panahon,
Kasama kami sa laban ng bayang umiiyak.
Kaisa kami ng sambayanang malaya.
Ang batang gayong magpapakilala sa bansa;
Walang mali at tama,
Walang may sala at nagkasala
Iisa tayong lahat, sa pagbangon at pagkadapa.
Ang batang gayong magpapalaganap;
Ang Pilipinas ay para sa Pilipino,
Mapa-Luzon, Visayas, Mindanao,
Walang pagkahati, buo tulad ng isang haring araw.