Wika ng bayan, pakinggan


OF SUBSTANCE AND SPIRIT

Diwa C. Guinigundo

(The following column is written in Filipino in observance of the National Language Month.)

Ngayong buwan ng Agosto, ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika. Bago itinakda ito ng Pangulong Fidel V. Ramos sa kapangyarihan ng Pampanguluhang Proklamasyon 1041 nuong Hunyo 13, 1997, ang selebrasyon ay tumatagal lamang ng isang linggo. Linggo ng Wika ang ating ipinagdiriwang sa pamamagitan ng mga patimpalak sa pagtatalumpati, paggawa ng sanaysay at pagbigkas ng tula.

Makasaysayan ang buwan ng Agosto.

Kasabay nito ang pagdaraos ng kaarawan ni Manuel Luis Quezon, unang Pangulo ng Komonwelt. Sa mandato ng Kongreso, itinaguyod ni Quezon ang Tagalog mula sa iba’t ibang wika at diyalekto upang maging pambansang wika na ngayon ay tinatawag nating Filipino. Pag sunod dito sa itinadhana sa Saligang Batas ng 1935. Maraming suria’t komisyon ang itinayo upang linangin ang ating pambansang wika para sa pagtuturo, saliksik, kaalaman at pang-unawa. Kailangan ito upang mabigkis tayo bilang isang bansa.

Ayon narin kay Virgilio S. Almario, National Artist for Literature (2003), may mahigit tayong 130 wika sa Pilipinas, at nananatili tayong hiwa-hiwalay, kani-kaniya. Ito ay dala na rin ng maraming wika na hanggang ngayon ay hindi pa rin napapaloob sa Tagalog upang payamanin ito bilang Filipino at batayan ng pambansang wika.

Malaking hamon ang pumanday ng isang pambansang kamalayan.

Isang paraan para kay Almario ay ang malawakang pagsasalin ng mga klasikong akda sa Kanluran bilang susi ng higit na malalim at mataas na pang-unawa tungo sa pagkakaisa. Nuong panahon ng mga Kastila, ang pagsasalin ng mahahalagang akda sa Filipino ay naging daan upang mapukaw ang kamalayan ng maraming Pilipino hinggil sa kayamanan ng ating mga pamana mula sa ating mga ninuno sa awit at korido, komedya at moro-moro, at mga akdang pampulitika mula sa mauunlad na bansa hinggil sa kalayaan, pagkakapantay-pantay, at kapatiran.

Sa isang pagpapakahulugan, ayon na rin kay Almario, ang pagsasalin sa Filipino mula sa ibang wika ay makapagbibigay daan sa mga kaalamang ito na makaabot din sa kaisipan at kamalayan ng mga Pilipino. Mauunawaan natin na hindi bahagi ng isang makabuluhang pamayanan ang maging mahirap at api. Mauunawaan natin na tayo man ay may karapatang makaranas din ng maganda at mapayapang buhay, buhay na may katarungan.

Kung mauunawaan ng mga Pilipino ang mga ginawa nina Plato at Aristotle, Victor Hugo at Miguel de Cervantes, Albert Camus at Pablo Neruda at iba pang pilosopo, manunulat at mapag-isip, maaaring mabago rin ang takbo ng halalan sa Pilipinas at uri ng pamumuno.

Makapagbibigay din ang pagsasalin ng bagong pagtingin at karanasan, kahit binabasa o napanonood lamang. Sa isang banda, ang maraming taon ng ating sariling pakikibaka para sa kalayaan ng ating bansa’y makasasapat nang tagapagturo sa atin. Kailangan lamang nating paalalahanan ang bawat isa.

Makatutulong din nang malaki ang malaman ang mga matataas na antas ng kaisipan sa pagpapaigting ng pagmamahal sa bayan at sa kapuwa. Maliwanag ang sinasabi ng agham at sining ng pagtuturo, mahalaga ang paggamit ng sariling wika sa unang ilang taon ng mga batang nagsisimula ng mag-aral. Higit na lalalim ang pamamaraan ng kanilang pag-iisip at pang-unawa. Magiging kritikal sila sa pag-iisip.

Sa panahong ito ng pandemya at economic recession, maaaring ang mga mamamayang Pilipino ay nagsasalita sa Ingles, mismo sa Pilipino, o kaya’y sa kanilang nararamdaman hinggil sa mga pangyayari sa Pilipinas.

Ngunit hindi na kailangang isalin pa sa Filipino ang wika ng pagtatanong, pagtataka, pag-iimbistiga, pagkabahala, at kaliwanagan. Nauunawaan ng bawat isa ang wika ng bayan. Ang nais ng bayan ay mas masigla, mas mapayapa at mas masaganang buhay. Kailangan lamang nating pakinggan.

* * *

 Nagtatanong ang wika ng bayan. Paanong naka bili ang Department of Information and Communication Technology ng 1,000 laptops, 26,500 tablets at 1,000 pocket wi-fi dongles naumabot ng ₱170 milyon mula sa isang construction company? Paanong nakalusot ang mahigit na ₱67.32 bilyon nang walang wastong pamamaraan ng pagbili, walang dokumentasyon at ilang mahahalagang papeles? Paanong nagastos ng Department of Education ang ₱8.136 bilyon para sa Basic Education Learning Continuity Plan nang hindi ayon sa Government Procurement Reform Act? Bakit kailangang mag-utos na huwag pansinin ang Commission on Audit (COA) gayong ang pagsusuri ay iniuutos ng Saligang Batas?

Nagtataka ang wika ng bayan. Sa dami ng ginastos at inutang ng pamahalaan, mga donasyon na bakuna, narito pa rin ang pandemya at mahina pa rin ang ating ekonomiya. Ang antas ng kabuhayan ay hindi pa rin naibabalik sa antas bago magka pandemya ng 2020.

Nag-iimbistiga ang wika ng bayan. Ayon mismo sa Senate Majority Floor Leader Jose Miguel Zubiri, maraming local government units (LGUs) at 300 pribadong kumpanya ang nagtangkang bumili ng sariling bakuna para sa proteksiyon ng kanilang nasasakupan. Ito ay sapat para sa 10 milyong bakuna. Hanggang ngayon, ang multi-party agreements ay hindi pa rin napipirmahan. Nawa’y magbunga ang pagsisiyasat ng Senado na mag pupulong bilang Committee of the Whole.

Nababahala ang wika ng bayan. Sa kabila ng paglaganap ng Delta variant, paghina ng ekonomiya, at pagbababa ng maraming growth forecast ng ilang international financial institutions, hindi pa rin matanggap ng marami na kailangan nang pag-aralang muli ang ating growth targets. Kung mas makatotohanan ang mga ito, malaking hamon sa marami na ayusin ang kanilang trabaho para sa kabutihan ng lahat.

Naliliwanagan ang wika ng bayan. Dahil sa napakaliit ng kinikita, labis na pagkapagod at mahabang oras sa ospital, nagpasiya ang maraming nars na magbitiw sa kanilang trabaho at iwanan ang mga ospital. Hindi na sila makatiis sa dahilang sila man ay tinatamaan ng COVID-19, inaatake sa puso dahil na rin sa sobrang pagod. Sa panig ng COA, tinatayuan nila ang kanilang pagsusuri sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Hindi na kailangan pang isalin sa Filipino ang wika ng bayan. Nauunawaan natin bakit ang wika ng bayan ay nagtatanong, nagtataka, nag-iimbistiga, nababahala at dahil dito, ito’y naliliwanagan. Ang wika ng bayan ay wika nating lahat.

Tayo ang wika ng bayan.