Isang Paggunita sa Buwan ng Wika - Agosto 2022
“Bawa’t bayan ay may sariling wika gaya ng pagkakaroon niya ng sariling pag-iisip. Pinagpipilitan ninyong mabuti na hubdan ang sarili ng angking katauhan bilang isang bayan; nalilimutan ninyo na habang pinangangalagaan ng isang bayan ang kanyang wika ay taglay niya ang isang tanda ng kanyang kalayaan, gaya rin ng pagtataglay ng kalayaan ng isang tao habang pinangangalagaan niya ang kanyang sariling laya ng pag-iisip. Ang wika ay siyang nagpapahayag ng mga kaisipan at mithiin ng isang bayan.” —wika ni Simon kay Basilio, sa panulat ni Dr. Jose Rizal, El Filibusterismo, Kabanata 7
Si Pangulong Manuel L. Quezon, kilala sa initials na MLQ, ay nagsilbing Pangulo ng Pilipinas sa panahon ng Philippine Commonwealth mula 1935 hanggang 1944.
Noong ika-1 ng Agosto, taong 1944, siya ay pumanaw sa sakit na tuberculosis habang nagsisilbing pangulo ng gobyerno ng Pilipinas “in exile” sa Estados Unidos sa gitna ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang ika-19 ng Agosto naman ay ang araw ng kanyang kapanganakan. Sa bisa ng Republic Act 6741 na nilagdaan ng Pangulong Corazon C. Aquino noong Agosto ng taong 1989, ang ika-19 ng Agosto ay itinakdang “Special Working Holiday” sa buong Pilipinas at “Special Non-Working Public Holiday” naman para sa mga Probinsya ng Quezon at Aurora, at sa Lungsod ng Quezon, bilang paggunita sa kapanganakan ng kinikilalang “Ama ng Wikang Pambansa.”
Ang Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa
Bilang pagbalik tanaw, si Pang. Quezon ay nahalal na Pangulo sa ilalim ng 1935 Constitution. May mga mahahalagang probisyon sa konstitusyong ito na nabigyang katuparan sa pamumuno ni MLQ—kabilang na rito ang paggawad ng karapatan sa mga kababaihan na makaboto sa halalan at ang makapagtalaga ng isang Wikang Pambansa.
Sa usaping ng wikang pambansa, ang Kapulungang Pambansa o National Assembly—ang lehislatura sa panahon ng Philippine Commonwealth—ay nagpasa ng Commonwealth Act 184 na siyang bumuo ng isang National Language Institute (Surian ng Wikang Pambansa o SWP) na naatasang magsagawa ng pag-aaral ng iba’t ibang dialekto sa Pilipinas sa paglalayong magpaunlad at magpatibay ng isang Wikang Pambansa ng Pilipinas, hango sa isa sa mga umiiral na katutubong wika.
Sa pamumuno ni Jaime C. de Veyra at ng mga miyembro at kinatawan ng National Language Institute, lumabas sa kanilang pag-aaral na ang wikang ‘Tagalog’ ang siyang pinakamalapit sa katuparan ng pangangailangang inilahad sa batas para sa pagtatalaga ng isang Wikang Pambansa. Ito ay sa kadahilanang ang Tagalog ay ginagamit ng nakararaming bilang ng mga mamamayan, maging sa lokal na pahayagan, publikasyon, at gayun din ng mga indibidwal na manunulat.
Bunsod ng resulta ng pag-aaral, konklusyon, at rekomendasyon ng SWP, noong ika-30 ng Disyembre 1937, sa paggunita ng araw ng kamatayan at pagka-martry ni Dr. Jose Rizal, inihayag ni Pang. Quezon ang pag-apruba ng pagpili sa wikang ‘Tagalog’ bilang batayan sa pagbuo ng isang Wikang Pambansa. Ang proklamasyong ito ay nasasaad sa kanyang Executive Order No. 134 at kanyang binigkas sa radio mula sa Palasyo ng Malacañan.
Sa kanyang pahayag, binigyang diin ni Pangulong Quezon ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Pilipinas ng sarili nitong wika. Inangkla ni Pang. Quezon ang kanyang pahayag mismo sa pahayag ni Rizal, na siyang ipinagkakatampok sa araw na iyon. Sa nobelang El Filibusterismo, ang ikalawang yugto sa Noli Me Tangere—mga nobelang nagbunsod ng kamalayan ng mga Pilipino sa pagnanasang maging malaya sa dayuhang mananakop—kung saan ang pangunahing katauhan na si Simon ay mariing nagpahayag ng kanyang pagtutol sa wikang Kastila bilang wikang pangkalahatan ng bansa, at nagpaalala sa mag-aaral na si Basilio ukol sa kahalagahan ng sariling wika para sa bayan, at hindi ng wika ng kanyang mananakop.
Bilang pagkilala kay Pangulong Quezon na “Ama ng Wikang Pambansa”, noong buwan ng Setyembre 1955, nagpalabas naman ng Proclamation 186 si Pangulong Ramon Magsaysay na naglilipat ng araw ng paggunita sa ‘Linggo ng Wika’ mula sa dating Marso 29 hanggang Abril 4, tungo sa Agosto 13 hanggang Agosto 19, nang sa gayon ang pagdiriwang ay maganap sa panahong may pasok sa eskwela at maipagdiwang ito ng mga mag-aaral. Mula noon, ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika ay nagtatapos sa kaarawan ni Pangulong Quezon.
Ngunit sa paggunita ng ika-100 taon ng Kalayaan ng Pilipinas, at sa pagkilala sa mahalagang tungkulin ginampanan ng wika sa Himagsikan ng 1896 tungo sa pagkakamit ng kasarinlan, naglabas ng Proclamation 1041, s.1997 si Pangulong Fidel V. Ramos na nagpapalawak ng pagdiriwang ng Pambansang Wika mula sa isang linggo tungo sa isang buwang pagdiriwang. Ang proklamasyong ito ay nagpahayag ng taunang pagdiriwang tuwing Agosto 1-31 bilang Buwan ng Wikang Pambansa, dahil na rin sa ang Agosto ang siyang buwan ng kapanganakan ni Pangulong Manuel L. Quezon na siyang “Ama ng Wikang Pambansa.”
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino! Saan mang dako ng mundo mapadpad, ipagbunyi ang Kalayaan at ang ating natatanging wika. Ipagpapatuloy ang panatang magsikap na maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.
Maligayang Buwan ng Wikang Filipino!