Sariling Wika


THE VIEW FROM RIZAL

By DR. JUN YNARES

ynares-new-photo Dr. Jun Ynares

Dahil bukas ay kaarawan ng kinikilalang Ama ng Wikang Pambansa, muli kong gagamitin ang isang akdang inilathala na natin dati para sa kaarawan ng yumaong Pangulong Manuel Luis Quezon.

Dalawang mahahalagang dahilan ang sinabi natin nuon sa paggamit natin ng Filipino. Una, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng bansa ng Buwan ng Wika. Pangalawa, bilang pagkilala at parangal sa hakbang na ginawa ng Manila Bulletin – na gamitin ang Filipino sa unang pahina ng ating pahayagan na nilimbag sa unang araw ng buwan ng Agosto, isang taon na ang nakararaan.

Sa layuning ito, ibinahagi ko sa ating mga mambabasa ang ilang sipi mula sa maigsing kalatas na ibinigay ko sa mga guro ng Filipino mula sa Department of Education- Region IV-A. Nagtipon sila kaugnay ng kanilang kumperehensiyang pang-rehiyon na ginanap sa Antipolo City nuong 2018.

Ito ang pahayag ko sa kanila. At para na rin ito sa lahat ng mga guro sa bansa na nagsisikap na manatili sa puso ng mga kabataan natin ang pagmamahal at paggamit ng sariling wika.

Maraming taon na ang nakakalilipas, may isang kaibigang nagbigay sa akin ng tatlong tanong. Sa araw na ito, sa inyo ko naman ipapasa ang tatlong tanong na ito.

Tanong ng kaibigan ko:

Una, anong salita ang agad  na lumalabas sa bibig mo ‘pag bigla kang nauntog?

Pangalawa, anong salita ang agad na lumalabas sa bibig mo ‘pag biglang nakakita ka ng isang kakilala?

Pangatlo, anong salita ang agad na lumalabas sa bibig mo ‘pag biglang nakaramdam ka ng takot?

Nung una, natawa ako sa tatlong tanong niya. Sabi ko, ano ba ang halaga ng tatlong tanong mo?

Ganito ang sagot ng kaibigan ko. Sabi niya, ang mga sagot ko daw sa tatlong tanong na ‘yun ang magpapakilala sa akin ng tinatawag na… lenguwahe ng puso. The language of the heart.

Hindi ko agad naintindihan ang ibig sabihin ng lenguwahe ng puso. Ang ginawa ko, sinagot ko na lang muna ang tatlong tanong.

Una, anong salita ang lalabas agad sa akin ‘pag bigla akong nauntog? Sagot ko… e ‘di… “aray.”

Pangalawa, anong salita ang lalabas agad sa bibig ko ‘pag nakakita akong bigla ng kakilala? Sagot ko… e ‘di… “hoy.”

Pangatlo, anong salita ang lumalabas agad sa bibig ko ‘pag binalot ako ng takot  o pangamba. Sagot ko… e ‘di… “Diyos ko.”

Aray. Hoy. Diyos ko.

Sabi ng kaibigan ko, ang tatlong sagot daw na ‘yun ang tumutukoy ng kung ano ang lenguwahe ng puso ko. ‘Yun daw ang nagpapakilala sa akin at sa lahat ng kung ano ang aking… sariling wika.

Sariling wika – ‘yun daw ang lenguwahe ng puso.

Samakatuwid, maaaring salitang banyaga ang lenguwahe ng aking isip. Pero ang puso ko, malinaw na Filipino ang sarili niyang wika.

Mahalaga daw ang sariling wika.

Ang sariling wika o wika ng puso – ito raw ang nag-uugnay sa atin sa tatlong mahahalagang relasyon natin sa buhay.

Sariling wika ang nag-uugnay sa atin sa kapwa Pilipino. Pilipino lang naman daw talaga ang sumasagot sa tawag na “hoy.”

Sariling wika din ang nag-uugnay sa atin sa ating mga sarili. ‘Pag sinabi kong “aray,” kausap ko ang sarili ko at ipinaiintindi ko sa sarili ko na nasaktan ako.

Sariling wika din ang nag-uugnay sa atin sa Diyos… sa Lumikha… sa Ama sa langit… anuman ang pagkakakilala natin sa kanya. Sa oras ng takot… ng pangamba… ang sinasabi natin, “Diyos ko.” ‘Yun na yata ang pinakataos at pinakatagos sa pusong salitang sinasabi isang Pilipino.

May dahilan po kung bakit ko ikinuwento sa inyo ang munting kasaysayan ng “aray,” “hoy” at “Diyos ko.”

Ang dahilan po ay ito: gusto kong samantalahin ang pagkakataong ito para gawin ang dalawang bagay. Una, ang parangalan kayo. Pangalawa, ang pasalamatan kayo.

Bilang parangal, gusto ko pong sabihin na hindi lamang po kayo tagapagturo ng pagbabasa, pagsusulat at pag-iisip sa wikang Filipino.

Higit pa po duon ang ginagawa ninyo para sa amin, sa aming mga anak, at sa ating mga kabataan.

Ang mas mahalagang ginagawa po ninyo ay ito: tinuturuan… at tinutulungan po ninyo silang gamitin ang sariling wika – ang lenguwahe ng kanilang puso - para sa tatlong pinakamahalagang ugnayan nila sa buhay: sa kapwa, sa sarili at sa Diyos.

Ang ugnayang ito ay nagbubunga ng pagkakakilala. Ang pagkakakilala ay nagbubunga ng pagkakaintindihan at pagkakaunawaan. Ang pagkakaintindihan at pagkakaunawaan ay nagbubunga ng pagkakaibigan.

Ibig sabihin, ang pagtuturo ninyo sa amin ng pag-iisip at pakikipag-usap sa sariling wika pagtulong din sa amin para makabuo ng tunay na pakikipagkaibigan sa aming kapwa, sa aming sarili, at sa ating Maykapal.

*Para sa inyong feedback, maaari po itong ipadala sa [email protected] o sa #4 Horse Shoe Drive, Beverly Hills Subdivision, Bgy. Beverly Hills, Antipolo City, Rizal.