By JOSELITO ALBINO
Madaming tao sa looban. Punong-puno ng usisero, maging ang apartment na pinangyarihan ng krimen, ng dumating ang mga pulis. Dinatnan nila ang kriminal na nakatitig sa pinaslang niyang landlady. Hawak pa ng kriminal ang martilyong ginamit sa pagpatay na basang-basa pa ng dugo. At nang mapansin ng kriminal ang pagdating ng mga pulis ay agad siyang tumayo. Tinutukan siya ng baril ngunit hindi na naglakas-loob na lumaban ang mama. Iniabot niya ang martilyong hawak, agad siyang pinadapa at pinusasan.
“Ex-convict ka pala, boy, ah. Alam mo naman siguro ang hirap ng buhay sa loob, gumawa ka pa ng magbabalik sa’yo sa impyerno.”
“Oo nga boss eh. Papalayasin na kasi ako dito, wala na kong matutuluyan kaya ito na lang ang naisip kong paraan.”