Mother looks for best school for son

The Special Learner
By GENEVIEVE RIVADELO
September 12, 2011, 3:16am

MANILA, Philippines — Question: Nung 2008, ang aking anak ay nagpakita ng sintomas ng AD/HD. Ipinasok ko siya sa SpEd school para matignan at maayos ang kanyang kundisyon. Sabi ng eskwelahan ay hindi na niya kailangan ng developmental pediatrician. Dalawang taon siya sa SpEd. Sa Grade 2, naka inclusion siya sa tulong ng SPED coordinator.

Ngayong Grade 3, inilagay na siya sa regular na klase. Matapos ang isang buwan, sinabi ng guidance counselor at principal na kailangan niya ng SpEd o kailangan daw maghanap na lang ng ibang paaralan dahil ang anak ko raw ay may mapanirang ugali.

Sabi rin nila kailangan niya ng isang occupational therapist. Kami'y nababahala. Wala namang problema ang anak ko sa akademiya. Nakakasunod naman siya sa mga asignatura. Ang problema kasi ang kanyang ugali, at walang authority figure.

Posible ba na sabihin namin na panatiliin siya sa eskwelahan pero dadaan din siya sa isang behavioral therapy? Kailangan ba niya ng shadow teacher? Ano ba talaga ang SpEd? Salamat at God bless.

Teacher Genevieve says: Maraming salamat po sa tanong ninyo. Naiintindihan ko po ang pinagdaraanan ninyo bilang isang magulang na ang nais lamang ay ang pinakamakakabuti sa inyong anak. Bilang magulang, iyon po ang lagi natin dapat itanong sa ating sarili.

Ano ba ang pinakamakakabuti sa aking anak? Ito bang gusto ko para sa kanya ang pinakatamang gawin para sa ikabubuti niya, o eto lang ang gusto ko bilang magulang niya na sa palagay ko ay naaayon sa pangangailan niya? Mahirap po talagang maging isang magulang.

Maraming desisyong kailangang gawin at hindi lahat ito ay bukal sa ating kalooban. Ang AD/HD po ay isang kondisyon kung saan malaki ang tungkuling kailangang gampanan ng magulang at paaralan. Ang mga sintomas ng AD/HD ay hindi lang basta-basta mawawala kung walang agresibong pagbabagong gagawin sa paraan ng pagdidisiplina at pagtuturo sa bata sa bahay at sa paaralan.

PAGTUTULUNGAN NG PAMILYA AT PAARALAN

Ang batang may AD/HD ay “impulsive.” Ibig sabihin, kapag may naisipan siyang gawin, gagawin niya kaagad ito bago pa niya isipin ang maaaring kahihinatnan ng ganoong pagkilos o pag-uugali. Maaaring hindi niya sinasadyang makasakit ng ibang bata, ngunit kulang ang kaniyang kakayahang pigilin ang ganoong “impulse” kapag siya ay nagalit o kaya’y minsan ay nagkakatuwaan lamang, pero nakakasakit siya ng ibang bata.

Mahalagang maituro sa kanya na pigilan ang ganoong pagkilos dahil ito ay nakakasakit sa iba at dadating ang panahon na lahat ng bata ay ayaw ng makipaglaro sa kanya. Hindi imposibleng turuan ang batang may AD/HD ng tamang pag-uugali.

Kailangan lamang ng pasensya, pagtitiis hindi ibigay ang lahat ng gusto niya at pagalitan siya o bigyan ng angkop na “consequence” kung kinakailangan, at “consistency” sa pagpapatupad ng mga patakaran sa bahay at sa paaralan. Sa ganitong paraan lamang natin matutugunan ang kanyang natatanging pangangailangan dulot ng AD/HD.

Kailangan ng pagkakaisa ng tahanan at paaralan. Hindi natin siya natutulungan kung ibinibigay natin ang lahat ng gusto niya, o nakakalusot siyang gawin ang hindi tama kagaya ng pagiging “disruptive” ng walang kaakibat na kahihinatnan. Sa mata ng bata, ang kanyang ginagawa ay tama.

Mahirap man tanggapin, hindi tayo laging makakasama ng ating mga anak. Sa ating pagtanda, kailangang maihanda natin sila upang mamuhay ng may angking kakayahan, at isa dito, ang pakikibagay sa ibang tao ng mahusay at may paggalang.

SAAN BA DAPAT MAG-ARAL ANG BATANG MAY AD/HD?

Iba-iba po ang galing at kahinaan ng mga batang may AD/HD. Binanggit ninyo na walang problema sa academics ang inyong anak. Kayo po ay mapalad na siya ay may angking talino na maaaring linangin. Subalit ang talinong ito ay hindi niya lubos na mapapakinabangan at magagamit kung patuloy siyang magpapakita ng mga hindi mabuting pag-uugali tungo sa iba.

Maaaring kulang pa ang kakayahan ng inyong anak na pigilan ang emosyon niya ang umiiral sa mga sitwasyong kanyang kinakaharap sa pang-araw-araw. Kailangan pa niya ng may nakatutok na “shadow teacher” o mailagay sa mas maliit na bilang ng mga estudyanteng kailangan niyang pakibagayan. Ito naman po ay pansamantala lamang, hanggang magkaroon na siya ng kakayahang makibagay ng wasto sa ibang tao.

Ang SpEd po ay makakatulong na matutukan ang mga natatanging pangangailangan ng inyong anak na maaaring limitasyon ng isang regular school na walang kasanayan at kakayahan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga batang may AD/HD.

Kung sa SpEd school po mas malilinang ang galing ng inyong anak, kaakibat ang mga inirerekomendang terapi katulad ng Occupational Therapy (OT), bigyan po natin siya ng pagkakataon na matulungan ng mga propesyonal na ito upang mabawasan ang mga pagkilos na makakahadlang sa kangyang pagtuto at maaipalabas ang kanyang angking galing bagama’t siya ay may AD/HD.

Hindi po kayo nag-iisa sa inyong paglalakbay bilang isang magulang ng batang may AD/HD. Marami pong ibang magulang na nagdaraan sa pinagdaraanan niyo ngayon sa pagpapalaki ng inyong anak. Tumawag po kayo sa AD/HD Society of the Philippines: 4268568/9273463/09189079159 para sa karagdagang kaalaman tungkol sa AD/HD.

 

Comments